Thursday, June 9, 2011

pabaon

Kung sakaling kapusin
Ang liwanag ng araw bukas
At sa paghuni ng mga maya
Sila'y mamaos at masamid

Kung sakaling kalan
Ang unang babati sa tandang
O magsikupas ang mga bulaklak
Talulot nila'y malanta

Kung sakali lang naman
Umaga ko'y biglang maudlot
Dahil sa kung saang lupalop
Naglagalag ang diwa ko

Ako'y magpapaalam na rin
Na bibitbitin ko
Mga munting iyong 'di mo
Inakalang pinagbilin sa akin

Sa lalim ng gabi, tinig mo
Ang huling himig sa aking pandinig
Boses mong ginoo ngunit mapaglaro
Tono mo'y pinatahan at hinele ako

Sa gitna ng dilim
Ang mga tala'y kumikislap
At ang tingkad ng buwan
Umukit sa'yong mga mata

Kung sakali lang namang kapusin
Ang liwanag ng aking bukas
Hayaan mo akong sinupin
Ang tamis ng huling gabi

I-a-alkansya ko ang tinig mo
Iseselyo iyong mga ngiti
Sa maliit na bagahe isisilid ko
Ang uwang nitong Buhay at Gabi

Bitbit ang latak mo, ako'y
Liliban, maglalakbay pakanluran
Kung saan magtatagal
Ang gabi ng tala't buwan



Took my cue from Edith Tiempo and Angela Manalang-Gloria. And, no. I am not even in love.

No comments:

Post a Comment